Duterte walang planong magsampa ng kaso laban sa mga dating pangulo

Image from PCOO

MAYNILA, Pilipinas  –  Wala umanong balak maghabol si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naging dating pangulo ng bansa kung sakali mang ang mga ito ay nasasangkot sa kontrobersiya o eskandalo.

Ayon kay Duterte, wala sa ugali niya ang magsampa ng kaso laban sa kanyang mga naging kaaway.

“But to be filing cases against a former president, that’s not my attitude. It’s true,” anang Pangulo.

Halimbawa na lamang umano ang dati niyang kaaway sa pulitika na si dating Speaker Prospero Nograles na ilang beses na siyang sinampahan ng kaso sa korte.

“Not once did I retaliate,” wika ni Duterte.

Mas nais pa raw niyang makipagbarilan na lang kapag hindi nadala sa usapan ang kanilang hidwaan.

Samantala, sinabi rin ni Duterte na hindi niya kokondenahin si dating Health secretary Janette Garin o sinumang opisyal na nasasangkot sa kontrobersiya ng dengue vaccine na Dengvaxia.

Maging siya man daw ang nasa katayuan ng mga ito noon ay gagawin niya ang mga ginawa nito para lamang mailigtas ang milyong batang Pilipino.

“I cannot blame anybody. I am not prepared to condemn anybody, simply because binili nga natin ‘yun eh, kung mahal eh ‘yung presyo wala sa akin,” paliwanag pa ni Duterte.