Garin naka-confine ngayon sa pagamutan matapos operahan dahil sa appendicitis

Image from KDN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Isang araw matapos dumalo sa pagdinig sa Senado, kasalukuyang naka-confine umano ngayon sa pagamutan si dating Health Secretary Janette Garin dahil inoperahan ang namagang appendix.

Bago pa man dumalo sa Senate hearing, sinabi na ng kampo ni Garin na hiniling nito sa kanyang doktor na ipagpaliban muna ang operasyon upang makapunta siya sa pagdinig nitong Lunes.

Pagkatapos umano ng pagdinig, dumiretso na sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City ang dating kalihim ng DOH para sumailalim sa surgery.

Kinumpirma rin ito ng kapatid ni Garin na si Leyte Vice Governor Carlo Loreto na nagsabing dalawang araw nang hindi kumakain ang dating kalihim bilang preparasyon sa nakatakdang operasyon.

Na-confine din si Garin sa Divine Word Hospital sa Tacloban City noong nakaraang Biyernes dahil sa sobrang pananakit ng tiyan sanhi ng kaniyang acute appendicitis. Nangyari ito habang nakaburol ang kanyang amang si Engineer Jose “Eti” Loreto na pumanaw noong Disyembre 4 sa edad na 78.

Si Garin ay nasa gitna ngayon ng mainit na kontrobersiya tungkol sa P3.5-B dengue vaccine program ng gobyerno na-implement noong kaniyang termino bilang Health secretary.