“Hindi po ako bangko”: Kumare, humirit sa ninang ng kanyang anak na ipadala ang  regalo sa ‘pera padala center’

Imahe mula sa Facebook account ni Dyanne Jordan Montiero

Mano po, Ninong. Mano po, Ninang. Narito kami ngayon humahalik sa inyong kamay. Salamat, Ninong, salamat, Ninang, Sa aginaldo pong inyong ibinibigay.

Ngayong buwan ng kapaskuhan ay madalas nating naririnig ang awiting ito. Kultura na nating mga Pilipino ang magbigay ng aginaldo sa ating mga inaanak kahit pa wala tayong sapat na pera. Kaya naman marami sa atin ang naghahanda na ng budget upang pagkasyahin ang pera sa mga gastusin ng Pasko; kasama na rin ang para sa mga inaanak.

Ngunit paano kaya kung si ninong o ninang ay inaabuso na?

Nag-viral ngayon sa social media ang Facebook post ng isang ninang tungkol sa aniya’y namamaskong kumare.

Sa Facebook post ni  Dyanne Jordan Montiero, ibinahagi niya ang tungkol sa kumareng namamasko para sa inaanak.

“KUMARE”

Ako, hindi po ako tumatanggi magninang. Kaya nga ang dami na ng inaanak ko. 30 na yata.  Naglalaan ako kahit tig-kokonti para mabigyan sila tuwing pasko. Para mapasaya yung mga inaanak ko. Pero to the point na kelangan ko pa ipadala sa Smart Padala?

Mababasa sa FB post ang screen shots ng usapan nina Montiero at kumareng nagsabing masyadong malayo ang bahay ng ninang kaya hindi nila mapupuntahan ng inaanak ang ninang nito.

Kasunod nito, anang kumare ay ipadala na lamang ang pera sa pamamagitan ng isang padala center.

Ani Montiero, “Hindi po ako bangko… Nagninang po ako para magguide sa kanila (inaanak) habang lumalaki.”

Saad ni Montiero, sa kasalukuyan ay wala siyang trabaho ngunit naglalaan siya ng pamasko para sa kanyang mga inaanak. Para sa kanya, ‘nakaka-offend’ ang sabihan na ipadala ang aginaldo sa pamamagitan ng isang padala center.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, dati nang nagpaalala ang Simbahang Katolika na isang pares lamang ng ninong at ninang ang dapat na kuhanin sa binibinyagang bata.

Dagdag pa nito, ang mga ninong at ninang ang magsisilbing pangalawang magulang at maging huwaran sa kanilang mga inaanak. Ngunit tila iba na yata ang konsepto nito sa karamihan? Mas marami, mas masaya? Mas maraming aginaldo?

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook, ABS CBN, Buzz DF