Identical twin brothers at identical twin sisters, pinag-isang dibdib sa nakalilitong double wedding

Image from e23

Isang pambihirang kasal ang naganap noong ika-3 ng Disyembre sa Tsina. Ang mga bisitang dumalo sa nasabing kasalan ay nalito dahil sa kakaibang double wedding na naganap.

Ito ay dahil doble ang magsing-irog na kanilang nakikitang naglalakad patungo sa altar.

Ang identical twin brothers na sina Zheng Dashuang at Zheng Xiaoshuang ay sabay na pinakasalan ang identical twin sisters na sina Liang Jing at Liang Qing.

Ayon sa Mirror, ang isang bagay na lalo pang nagbigay ng kalituhan sa  mga bisita ay ang desisyon nilang magsuot ng magka-ternong kasuotan.

Ang nasabing kasal ay naging usap-usapan sa social media sa Tsina. Binati ng mga Chinese netizens ang mga bagong kasal at ipinanalangin na sana ay maging maayos ang kanilang pagsasama.

Ngunit may ilang hindi mapigilan na magbiro: Sana raw ay hindi sila magkalituhan kung sino ang asawang tatabihan sa kanilang honeymoon.

Hiling naman ng ina ng mga kambal na sana ay magkaroon sila ng mga apo na identical twins din.

 Image from Sohu
Image from Sohu