LP Senators pumalag sa hirit na 1-year extension ng Martial Law sa Mindanao

Public Domain

Pumalag ang mga opposition Senators sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang umiiral na Martial Law sa Mindanao na matatapos ngayong Disyembre 31.

Ayon sa ulat ng DWIZ, sinabi ni Senador Franklin Drilon na wala umanong legal na basehan o nakasaad sa Konstitusyon kaugnay sa sinasabing ‘psychological impact’ bilang dahilan upang palawigin pa ang Batas Militar ayon na rin sa rekomendasyon ng militar.

Wika pa ni Drilon, dapat na ngang tanggalin ang Batas Militar sa Mindanao dahil wala nang dahilan sa pagpapatupad nito makaraang ideklara ang kalayaan ng Marawi City.

Hinimok naman ni Senador Bam Aquino ang iba pang mga hindi pabor sa Batas Militar na ipabatid sa publiko ang mga dahilan kung bakit hindi dapat ito suportahan.

Nitong Martes ay nagsagawa ng briefing ang security officials ng Malacañang sa Senado na dinaluhan nina National Security Adviser Hermogenes Esperon, AFP Chief of Staff Gen. Rey Guerrero at Defense Sec. Delfin Lorenzana.

Samantala, kumpiyansa naman si  House Speaker Pantaleon Alvarez na makalulusot sa House of Representatives ang 1-year extension ng martial law sa Mindanao.