Mala-Transformers: Natitiklop na electric car na-develop sa Japan

Image capture of video by All Smart Videos via YouTube

Isang electric car na na-develop sa Japan ang may kakayahang tumiklop na parang robot na Transformers.

Sa ulat ng Reuters, galing sa laruang robot Transformers ang inspirasyon sa pagdisenyo ng folding electric car na tinawag na “The Earth-1.”

Sa isang pahayag, sinabi ni Hiroomi Kinoshita, president at chief executive officer ng Four Link Systems, Inc., na ang kanilang proyekto ay sinimulan sa ideya na paliitin ang isang sasakyan upang magkasya iyon sa maliliit na espasyo.

Si Kunio Okawara ang nagdisenyo ng folding electric car. Siya ang bantog na Japanese artist na nasa likod ng transforming robots sa TV series na “Gundam.”

Ani Kinoshita, inisip nila kung paano maaakit ang mga taong hindi mahilig bumili ng sasakyan at himukin silang magmaneho ng kotse. Kaya umano naisip nilang gumawa ng sasakyan na kapag minamaneho ay naroon ang pakiramdam ng driver na hindi kotse ang kanyang minamaneho, kundi isang robot.

Inaasahang sa Marso 2018 ay maaari nang umarangkada ang “The Earth-1” kapag nabigyan na ito ng pahintulot na ibiyahe sa mga lansangan. Nagkakahalaga ito ng US$70,000 bawat isa, ayon sa All Smart Videos sa YouTube. Umabot na raw sa 30 ang nakuhang order para sa nasabing folding electric car.

Fact-checked against the following source(s) :

Reuters, Daily Mail, The Straits Times, YouTube