Malacañang: Aaksyunan ni Duterte ang isyu na kinasasangkutan ng PCSO

File Photo

(Manila, Philippines) Tiniyak ng Palasyo na aaksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu na kinasasangkutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa naganap na press briefing sa Marawi, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi umano palalagpasin ng Pangulo ang mga ibinunyag ni PCSO board member Sandra Cam hinggil sa Small Town Lottery (STL) operations at ang isyu ng magarbong Christmas party ng PCSO.

Giit pa ng spokesman, nakakasa na ang imbestigasyon ng Kongreso sa naturang STL operations at hinihintay na lamang ang resulta nito.

Kamakailan, inakusahan ni Cam si PCSO General Manager Alexander Balutan na nakikinabang sa STL operations at ginagamit ito bilang “front” sa illegal numbers game.

Ani Cam, 80% sa kita mula sa STL ay napupunta sa “gambling lords” at 20% lamang na kita ang idinideklara ng mga STL operators, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Iginiit naman ni Balutan na nais lamang ni Cam na dalhin sa PCSO ang kaibigan nitong gambling tycoon na si Atong Ang upang kontrolin ang operasyon ng STL.

Ayon pa kay Balutan, nakahanda siyang humarap sa ipatatawag na imbestigasyon ng Kongreso.

Sa inisyal na ulat ng Balita DF, pinabulaanan din ni Balutan ang P10 milyong gastos sa Christmas party ng PCSO.