Malacañang: May 15 araw si Duterte upang pagdesisyunan ang resignation ni VM Paolo

File photo

Tatanggapin kaya ng Pangulo ang resignation letter ng Davao City vice mayor?

(Manila, Philippines) Ipinahayag ng Malacañang na may 15 araw si Pangulong Rodrigo Duterte upang pagpasyahan ang pagbibitiw ni presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa puwesto.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing sa Marawi City, mag-uumpisa ang 15-day reglementary period sa oras na matanggap ng Commander-in-Chief ang resignation letter ni Paolo Duterte.

Batay sa probisyon ng Local Government Code, ipinaliwanag ni Roque na kailangang aksyunan ang resignation letter ni Paolo sa loob ng 15 araw at kung walang gagawin ang Punong Ehekutibo ay magiging deemed accepted o epektibo na ito, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Wika pa ng spokesperson, tatanungin niya ang Pangulo hinggil sa resignation letter ng bise alkalde sa pagdating ng Pangulo sa Marawi City.

Sa inisyal na ulat ng Radyo Inquirer, kakapadala lamang ng kopya ng resignation letter ni Paolo nitong Disyembre 27, 2017.

Sa pahayag ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte, nitong Martes lang nalagdaan ng kanyang kapatid ang naturang resignation letter.

Naghain umano ng resignation letter ang Davao City vice mayor nitong Disyembre 25, 2017 kasunod ng mga kontrobersiya hinggil sa smuggling case sa Bureau of Customs (BOC) at ang gusot nito sa kanyang anak na si Isabelle sa social media.