Misis ng OFW pinatay sa loob ng kanilang bahay sa Cavite; anak masuwerteng nakaligtas

Image capture from ABS-CBN News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  – Isa na namang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) ang naging biktima ng karumal-dumal na krimen sa Cavite kamakailan.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, pinasok ng 22-anyos na suspek na si Mark Harold Mercado ang bahay ng isang seaman sa Mendez, Cavite madaling-araw ng Linggo, ika-17 ng Disyembre.

Napatay sa saksak ang 42-anyos na ginang na may-ari ng bahay habang sugatan naman ang kanyang anak, 18-anyos, na ngayon ay kasalukuyang ginagamot. Pinaniniwalaang ginahasa rin ang babae dahil halos wala na itong damit nang matagpuan ng mga pulis sa loob ng kanilang kuwarto.

Paniwala ng mga pulis, hindi pagnanakaw ang motibo sa pangyayari dahil walang nawawalang gamit sa bahay.

Naaresto naman kaagad ng Mendez police si Mercado nitong Lunes. Hindi na itinanggi ng suspek ang ginawang krimen at nagawa lamang umano niya ito dahil sa sobrang kalasingan.

Lubos na rin ang pagsisisi ni Mercado sa nagawa dahil bukod sa katabing-bahay lamang nila ang tahanan ng mga biktima, kamag-anak niya rin umano ang mister ng ginang na napatay.

Nahaharap ngayon sa kasong rape with homicide at frustrated murder ang suspek na nakakulong na sa presinto.

Halos isang linggo pa lang ang nakararaan nang isa ring asawa at anak ng isang seaman ang pinatay matapos looban ang kanilang bahay sa General Trias, Cavite. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring matukoy na suspek sa krimen ang mga awtoridad.

Buong detalye sa ulat ng ABS-CBN News: