P460-M revolutionary tax nakokolekta ng NPA sa 2 lalawigan sa Mindanao, mga sari-sari store kinokolektahan din?

Image from The Marxist-Leninist

Hindi umano bababa sa P460 milyong revolutionary tax kada taon ang nakokolekta ng mga komunistang rebelde na New People’s Army (NPA) sa dalawang lalawigan sa Mindanao.

Ayon sa ulat ng Inquirer, 60 porsiyento ng nasabing halaga ay nakukuha ng mga NPA sa mga minahan sa apat na bayan ng Maco, Monkayo, Pantukan at Nabunturan sa Compostela Valley na hitik sa ginto.

Sa isang pulong balitaan noong Miyerkules, ika-13 ng Disyembre, isiniwalat ni Colonel Erwin Bernard Neri, commander ng 1001st Infantry Brigade ng Philippine Army, na hindi lang sa mga minahan nangongolekta ng revolutionary tax ang mga rebelde kundi maging sa mga maliit na negosyo tulad ng mga sari-sari store na kinokolektahan umano ng P2 kada araw.

Ang mga malalaking plantasyon ng saging sa Compostela Valley at Davao Del Norte ay pinapatawan din ng nasabing buwis.

Ang mga tumatanggi na sumunod sa rebolusyunaryong pagbubuwis o ang mga nagpapatuloy sa pagnenegosyo na hindi humingi ng permiso sa NPA  ay pinapatawan ng parusa tulad ng pagsira sa mga kagamitang ginagamit sa negosyo.