Padre de pamilya ng napaslang na mag-ina sa Cavite, nanawagan ng pagbabalik ng death penalty

Image capture from ABS-CBN News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa gitna ng paghihinagpis dahil sa karumal-dumal na sinapit nga kanyang mag-ina, nanawagan si Marlon Gamos kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik na sa bansa ang parusang kamatayan.

Si Marlon ang mister at ama ng pinatay na si Ruby Gamos at kanilang anak na si Shania Nicole na parehong natagpuang bangkay sa loob ng kanilang bahay sa General Trias, Cavite nitong Lunes.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Marlon, nanawagan ito ng muling pagbabalik ng death penalty para hindi na sapitin pa ng iba ang sinapit ng kanyang kawawang pamilya.

“Mahal na Pangulo, sana ma-implement na natin ‘yung death penalty dahil wala nang nangyayari sa atin. Paulit-ulit na lang, paano na lang ‘yung matitinong tao?” wika ni Marlon, isang seaman sa Abu Dhabi na dagliang umuwi sa bansa matapos malaman ang nangyari sa kanyang mag-ina.

Persons of interest

Samantala, tinututukan ngayon ng pulisya ang tatlong ‘persons of interest’ sa kaso.

“Mayroon tayong tatlong persons of interests na tinututukan ngayon na ‘yong mga identities nila’y iwi-withhold muna natin,” wika ni Superintendent William Segun ng Cavite police.

Hindi rin isinasantabi ng mga imbestigador ang posibilidad na kakilala ng mga biktima ang salarin o mga salarin lalo pa’t walang senyales ng ‘forced entry’ sa bahay.

“Malamang kakilala ng biktima ‘yung mga suspek. Meron po tayong nase-sense na ‘yong mga persons of interest ay inililigaw tayo sa imbestigasyon,” anang opisyal.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin matagpuan ang murder weapon na ginamit kay Ruby na ayon sa resulta ng autopsy ay namatay dahil sa tinamong traumatic injuries sa ulo.