Pangulong Duterte wala umanong kinalaman sa paglalagay ng kanyang larawan sa OFW ID

Image from Mocha Uson Blog

MAYNILA, Pilipinas  –  Matapos umani ng batikos, nagpaliwanag ang Malakanyang sa kontroberesiyal ng identification card (ID) na nakatakdang ipamahagi sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Harry Roque, tagapagsalita ng Pangulo, naniniwala siyang walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglalagay ng kanyang larawan sa nasabing ID.

Sa katunayan umano, dati nang ipinag-utos ng Pangulo ang pagtatanggal ng kanyang larawan sa mga paaralan at pampublikong opisina at pinapalitan ito ng mga bayani.

“Hindi ba pati ang mga pictures niya sa mga offices pinapalitan niya ng mga heroes? I don’t think he knew about this,” paliwanag ni Roque sa panayam sa DZMM.

Kaagad namang inamin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na sa kanila nagmula ang nasabing ideya na umani ng puna sa social media.

“I just want to to underscore yung concern ng President sa kapakanan ng mga manggagawa,” ani Bello.

Nilinaw din ng kalihim na libre ang naturang ID at walang babayaran ang mga OFW para makakuha nito. Aniya sa Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) nagmula ang pondo para sa proyekto.

“This is free for our OFWs. We do not want our OFWs to shoulder the cost because this is a gift from the President to recognize their sacrifices and immense contribution to our economy,” wika ni Bello.