PCUP hindi bubuwagin; mga tiwaling opisyal, papalitan lang – Roque

Pan. Duterte kasama si PCUP chair Terry Ridon| Image from PCOO

MAYNILA, Pilipinas – Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi tuluyang bubuwagin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP); bagkus ay tatanggalin lamang ang mga tiwaling opisyal nito.

“With sincerest regrets I would like to correct the statement I made on the Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) during this morning’s press briefing. It is to fire, and not to abolish the Commission,” paglilinaw ni Roque nitong Martes.

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, kasama sa mga tatanggalin ni Duterte ang chairman ng PCUP na si Terry Ridon na dati ring Kabataan partylist representative.

Isa umano sa ikinadismaya ng Pangulo ay ang madalas na pagbibiyahe ng mga opisyal ng PCUP palabas ng bansa, bagama’t hindi na nagbigay pa ng ibang detalye dito si Roque.

Samantala, iginiit naman ni Ridon sa pahayag na ipinadala sa ABS-CBN News na buo pa rin ang kanilang integridad sa kabila ng mga alegasyon ng Pangulo.

“The public record of the agency can speak for itself: we had implemented with full integrity the presidential promise of no demolition without relocation,” ani Ridon.

Naniniwala rin umano siya na nagawa nila ang kanilang trabaho nang ayon sa kanilang kakayahan at hindi kailanman nadungisan ang kanilang reputasyon ng anumang anomalya.