“Alempoy” loveteam muling magpapakilig sa gagawing pelikula ngayong taon

Image capture of video by Wish 107.5

Ang loveteam na hindi inakala ng lahat – ang “Alempoy” o tambalan ng aktres na si Alessandra de Rossi at komedyanteng si Empoy Marquez – ay muling magpapakilig sa isang bagong pelikula.

Nakatakdang gawin ang pelikula ngayong 2018 matapos ang tagumpay ng una nilang tambalan sa “Kita Kita” na naging highest-grossing indie film matapos kumita ng mahigit P320 milyon.

Sinabi ni Empoy na may inaayos pa sa sinasabing pelikula na tiyak daw na aabangan ng mga tao.

Merong inaayos at aabangan ng mga tao ‘yun, para sa inyo ulit ‘yun,” anang komedyante na inaming may nararamdamang “pressure” sa bagong pelikula.

Ayon sa ulat ng LionhearTV, bukod sa bagong pelikula ay mapapanood din ang “Alempoy” loveteam sa isang teleserye sa ABS-CBN na pinamagatang “No Ordinary Love” kung saan ay makakasama rin nila si Piolo Pascual.

“Masaya naman kasi nagsama ulit kami at panibagong pananaw sa tao, teleserye naman to at iba naman sa movie,” ani Empoy.

May gagawin ding pelikula si Empoy kasama ang hunk actor na si Zanjoe Marudo – ang “Kusina King.”

Samantala may proyekto rin si Alessandra kasama ang ate niyang si Asunta de Rossi – ang “Diary of a 30 Something” na hindi pa tiyak kung sa internet o cable TV ipalalabas.