Bahay ni Freddie Aguilar nasunog; music room ang unang natupok

Imahe mula sa music video ng "Anak" via YouTube

Isang malungkot na pangyayari ang dumating sa buhay ng legendary singer na si Freddie Aguilar matapos masunog ang bahay nito sa Quezon City nitong Martes, Enero 3; kung saan ang music room pa ang pinakaunang natupok ng apoy.

Ayon sa Bombo Radyo, nagsimula ang sunog sa dakong 11:04 ng gabi sa bahay ni Aguilar, na nakatayo sa Avery Street, Brgy. North Fairview, Quezon City. Una umanong natupok ang music room ng singer hanggang ito ay kumalat sa ilang bahagi ng kanyang tahanan.

Natupok daw ang ilan sa mga mahahalagang gamit ng kilalang mang-aawit; kabilang na rito ang ilang mga collector’s item, at mga awards na nakamit niya.

As of posting, patuloy pa ring inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang naging sanhi ng pagkakasunog ng bahay. Sa isang naunang pahayag, sinabi ni Fire Inspector Rosendo Padilla ng Quezon City BFP na maaaring nagkaroon ng problema sa electrical connection.

Ang awit na “Anak” ang isa sa mga awit na pinasikat ni Aguilar. Naisalin ito sa 26 na lenguwahe.