Bakit kaya dinarayo ang isang kainan sa Cavite?

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Isang restaurant sa Cavite ang dinarayo ngayon ng mga parukyano dahil itinulad ito sa mga Korean Grill restaurants na eat-all-you can at ikaw pa ang mag-iihaw ng iyong kakainin. Ang kakaiba sa kainang ito na matatagpuan sa bayan ng Kawit ay de-uling na ihawan ang ginagamit ng mga customers sa halip na de-kuryente.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, noong taong 2016 binuksan ng may-ari ang kainan niya na tinawag na “House of Grill” kung saan tampok ang mga sikat na inihaw na Pinoy street foods tulad ng “adidas,” balunbalunan, “Betamax,” at mga isaw ng manok at baboy.

Ayon sa may-ari, sa halagang P200 kada tao ay “unli-ihaw” o eat-all-you can na sa House of Grill.  Kahit ilang sticks ang kunin ng parukyano ay puwede. Magbabayad nga lang ng sampung piso kada stick kung hindi mauubos ang kinuhang pagkain.

“Kukuha sila…kahit ilan ang kunin nila okey lang basta uubusin nila,” anang ginang.

Kuwento pa ng ginang, mahilig talaga siyang kumain ng mga inihaw na street foods kaya iyon na rin ang pinasok niyang negosyo, na ngayon ay patok na patok na sa mga customers na pabalik-balik dahil sa masarap na ay mura pa.