“Bikini Open” sa pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival, tinuligsa ng mga netizen

Mga larawan mula sa Choose Philippines at Brigada News

Nagsimula na ang mahigit isang linggong pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival kasabay ng mga grandiyosong gawain sa Kalibo, Aklan.

Sa halip na magalak, nadismaya ang Simbahang Katolika dahil sa paghuhubad ng ilang mga kalahok dahil sa “Mister at Miss Bikini Open”, kasabay ng pagdiriwang.

Nag-sexy dance ang isang lalaking kalahok na nakasuot lamang ng g-string habang sinasayawan ang isang babae; bagay na ikinabahala ng simbahan dahil itinuturing itong pambabastos sa kabuluhan ng pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival.

“Yung ginawa na ‘yun ay hindi nakakabagay sa selebrasyon ng Anak ng Diyos. Siguro if there was still decency, somebody must have stopped it,” ani Fr. Joesel Quan batay sa panayam ng ABS-CBN News.

Maraming netizen ang bumatikos sa naturang bikini open dahil hayagang pambabastos daw ito sa Pista ng Santo Niño.

Ayon naman sa alkalde ng Kalibo na si William Lachica, maaaring hindi na nakontrol ng organizer ang iba’t ibang performance ng mga kalahok kaya humingi siya ng tawad sa mga nasaling at naapektuhan ng naturang akto.

Samantala, hindi na masumpungan ang organizer para hingin ang kanyang panig.

Pinaalalahanan naman ng simbahan ang publiko na mas mainam na maging sentro ng pagdiriwang ang debosyon sa Santo Niño.