Chinese space station inaasahang babagsak pabalik sa Earth sa Marso

Image capture of video by Tomo News

Ang Chinese space station na Tiangong-1 ay inaasahang babagsak pabalik ng Earth bago matapos ang buwan ng Marso. Ilang malalaking piraso nito ang posible umanong makapasok sa Earth atmosphere.

Ayon sa The Verge, nagdulot ng pangamba ang pagbagsak ng nasabing space station, subalit sa totoo ay wala raw dapat ikatakot ang publiko dahil nasusunog naman ang mga ito sa kanilang re-entry sa atmosphere.

Ang problema umano sa Tiangong-1 ay napakalaki nito at tinatayang 10 hanggang 40 porsiyento nito ang babagsak pabalik sa lupa.

Ang operator ng mga ganito kalaking space vehicles ay kadalasang may safety plan kung paano sila ididispatsa pagkatapos ng kanilang misyon. Kung may “thrusters” ang sasakyang pangkalawakan ay maaaring gamitin ang natitirang “fuel” upang sa karagatan sila ibagsak. Maaari rin namang magpadala ng isa pang spaceship para hilahin at ibagsak ito sa ligtas na lugar.

Sa kaso ng Tiangong-1, nawalan na umano ng control ang China Space Agency kaya uncontrolled ang re-entry nito sa Earth atmosphere. Ibig sabihin ay hindi natin alam kung saan ito babagsak. Subalit ang United States Space Surveillance Network at ang space agency ng iba pang mga bansa ay minomonitor ang babagsak na space station.

Sa pagitan ng 43 degrees North at 43 degrees South latitude raw babagsak ang Tiangong-1, ayon sa mga sumusubaybay dito. Napakalaking area nito, subalit halos karagatan naman ang bumubuo sa nasabing lugar. Kung may lupa man ay pawang “unpopulated” ang mga iyon.

Ang tsansa raw na may taong tatamaan ng Tinagong-1 ay lubhang napakaliit.

 

Fact-checked against the following source(s) :

The Verge, Tempo