Duterte nababahala sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga OFW sa Kuwait; ‘total ban’ pinag-iisipan

Image from PCOO Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-usap sa gobyerno ng Kuwait dahil umano sa magkakasunod na pagkamatay ng ilang overseas Filipino worker (OFW) doon.

Kung sakali man, pinag-iisipan na rin ng Pangulo na tuluyan nang itigil ang pagpapadala ng mga Pinay household worker sa nasabing bansa.

Ayon sa Pangulo, 4 na Filipina ang halos magkakasunod na namatay sa Kuwait sa mga nagdaang buwan at napag-usapan na umano nila ito ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

“My advice is, we talk to them, state the truth and just tell them that it’s not acceptable anymore. Either [that or] we impose a total ban,” wika ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa pagpapasinaya ng bagong bukas na Overseas Filipino Bank.

Dagdag pa ng Pangulo, wala siyang planong makipag-away sa bansang Kuwait dahil nirerespeto niya ang mga lider nito.

“But they have to do something about this. Kasi karamihan ng Pilipina mag-suicide… Itong mga ‘to, they claim abuse, sexually and all, and they endure,” ani Duterte.

Inamin din ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pinag-iisipan na nga nilang itigil na ang pagpapadala hindi lamang ng mga domestic helper na Pinay sa Kuwait kundi lahat na ng uri ng manggagawa.

Ganunpaman, wala pa umano silang malinaw na utos mula sa Pangulo para ipatupad ito.