Ex-Palawan Gov. Reyes may babala kay Harry Roque

Images from DU30 News/ Harry Roque Facebook account

MAYNILA, Pilipinas  –  Mayroong paalala si dating Palawan Gov. Joel Reyes kay Presidential Spokesperson Harry Roque dahil umano sa patuloy na ‘pakikialam’ at ‘pag-aabogado’ ng huli sa kaso ng pagpatay kay dating environmentalist at broadcaster Dr. Gerry Ortega.

Si Roque ang dating abogado ng pamilya Ortega sa kasong murder na kanilang isinampa laban kay Reyes.

Ayon kay Reyes, dapat maghinay-hinay si Roque sa pagbibigay ng pahayag hinggil sa kaso lalo pa’t isa na siyang opisyal ng gobyerno at ang kaniyang opinyon ay maaaring magkaroon ng impluwensiya sa magiging desisyon ng korte.

“You cannot be a lawyer to anyone else because that’s conflict of interest. Your office can easily sway the judiciary,” ani Reyes.

Magugunitang nagpahayag ng pagkadismaya si Roque matapos ipag-utos ng Court of Appeals (CA) sa Palawan Regional Trial Court (RTC) na isantabi ang ‘probable cause’ at arrest warrant laban sa dating gobernador dahil umano sa kakulangan ng ebidensiyang mag-uugnay sa akusado sa pagkamatay ni Ortega.

Nangako rin si Roque na gagawin ng gobyerno ang lahat para lamang mabaliktad ang naging desisyon ng CA dahil salungat umano ito sa naging kautusan ng Korte Suprema.

Iginiit din ng opisyal na walang ‘double jeopardy’ sa kaso ni Reyes dahil ang pagpapalaya dito ay hindi nangangahulugan ng abswelto na ito base sa merito ng kaso kaya maaari pa rin itong mabaliktad.

“No double jeopardy. Not on the merits and only upon motion of the accused,” paliwanag ni Roque sa text message na ipinadala sa ABS-CBN News.