Ex-PBB housemates Vickie at Michele, aspiring contestants ng Binibining Pilipinas 2018

Mga imahe mula sa Instagram account nina @vimrushton at @gumabaomichele

Sa pagbubukas ng applications para sa Binibining Pilipinas 2018, namataan kaagad ang Star Magic talent na si Vickie Rushton at ang volleyball player na si Michele Gumabao.

Ayon sa PEP, namataan ng ilang pageant fans sina Rushton at Gumabao na kasama ang ilan pang aspiring contestants sa BPCI Office sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City na nagsumite ng kanilang applications para sa susunod na edition ng naturang patimpalak.

May balita raw na mas mapapaaga ngayong taon ang gaganapin na 2018 Miss Universe pageant. Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit mas maagang gaganapin ang Binibining Pilipinas 2018 competition.

Hindi ito ang unang beses ng pagsali ni Rushton sa isang national beauty pageant. Noong 2011, itinanghal siya bilang Mutya ng Pilipinas International bago ito sumali sa Pinoy Big Brother: All In noong 2014.

Noong nakaraang Agosto lamang, sa isang panayam ay sinabi ni Rushton na bukas pa rin ang kanyang pintuan sa pagsali sa mga beauty pageants.

“May mga nagsasabi po sa akin na mag-join. Actually, last year dapat mag-start ako [ng] training pero hindi ko po tinuloy,” saad niya.

Si Rushton ay kabilang sa beauty queen-aspirants na nag-training sa Kagandahang Flores beauty camp.

Samantala, ito naman ang kauna-unahang pagsali sa isang beauty pageant ng dating De La Salle University volleyball player na si Gumabao.

Sa Aces & Queens naman, na pinamumunuan ni Jonas Gaffud, nag-training si Gumabao para sa pageant.

Magugunitang magkasabay na naging housemates sina Rushton at Gumabao sa Pinoy Big Brother (PBB): All In.

Sa PBB, si Rushton ang “Lady Mahinhin ng Negros Occidental”.

Habang si Gumabao naman ang “Spunky Spiker ng Quezon City”:

Source :

PEP, Push, YouTube, YouTube