Grab humirit ng 5% na pagtaas ng pamasahe dahil sa epekto raw ng ‘TRAIN law’

Image capture of video by GMA News via YouTube account

Naghain ng petisyon ang transport network company na Grab sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa 5% na pagtaas ng pamasahe dahil sa epekto raw ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon sa Grab, ang hirit na ito ay pagtiyak ng Grab na makababawi ang partner drivers nila sa epekto ng mas mataas na excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN law.

Mula sa P10 hanggang P14, humihirit ang Grab ng P11 hanggang P15 na pagtaas kada kilometro ng pagbiyahe at idaragdag ito mula sa P40 base fare, at ang mula sa P2 per minute na idle time dahil sa traffic ay nais ng Grab na maging P2.10, ayon sa ulat ng Balitanghali.

Ayon naman sa Uber Philippines, mahalaga raw sa kanila ang kapakanan ng kanilang mga drivers ngunit nais muna nilang malaman ang epekto ng TRAIN law bago gumawa ng aksyon sa darating na araw.

Sa inisyal na ulat ng Patrol.ph, sinabing ikokonsulta muna ng LTFRB sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang  umano’y magkakasunod na hirit na taas-pasahe dahil sa nakaambang pagtaas ng presyo ng petrolyo ngayong 2018.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa GMA News: 

Source :

GMA, YouTube, ABS-CBN