Kapamilya star Jodi Sta. Maria, inspirasyon ni Kapuso actress Ryza Cenon

Mga imahe mula sa Instagram accounts nina @jodistamaria at @iamryzacenon

Inspirasyon daw ng Kapuso actress na si Ryza Cenon ang kapwa artista niya na si Kapamilya star Jodi Sta. Maria.

Ayon sa PEP, may 12 taon na si Cenon sa showbiz ngunit ngayon lang ito nabigyan ng pagkakataong maging bida sa isang mainstream movie. Sa pelikulang Mr. & Mrs. Cruz ng Viva Films, kung saan katambal niya si JC Santos, ay naging bida na siya; sa wakas.

“Yes po. Sa 12 years ko po, ngayon lang po ako nakagawa ng pelikula. And may pressure for me kasi hindi ko alam ‘yong process,” kuwento ni Cenon.

Hindi ito ang una niyang pelikula ngunit supporting roles lang ang papel niya sa mga pelikulang kanyang kinabilangan gaya ng Lovestruck (2005), Puso 3 (2006), Migrante (2012), Diyos-Diyosan (2016), at Enteng Kabisote and the Abangers (2016).

Naging bida na rin si Cenon sa Ang Manananggal sa Unit 23B noong 2016, pero isa itong indie movie.

“Masaya, sobrang blessed ako na unti-unti ko siyang nakukuha. I know it’s late. Kasi I’m 30 na, kaya I think it’s late na rin,” aniya.

Nakita niya raw sa career ni Sta. Maria kung gaano ito katagal nabigyan ng bidang role, kaya naman isa ito sa mga itinuturing niya talagang inspirasyon.

“Peg ko pa rin talaga si Ate Jodi, e. Nakita ko kay Ate Jodi ‘yong career, nagkaroon ako ng chance. Parang siya ‘yong nagbigay ng hope sa akin na may pag-asa pa ako, and this is it,” aniya.

Dahil dito, may mensahe si Cenon sa mga naiinip na mabigyan ng break sa showbiz.

“Huwag silang mag-give up, huwag silang mag-quit, huwag silang mag-question na bakit ito. Mismo ‘yung blessing ang lalapit o ‘yung break. Basta mapatapat lang ang tamang role sa kanila na kaya nilang gawin at mailalabas nila ‘yung talent nila, dun sila mapapansin,” payo niya.

Narito ang trailer ng Mr. and Mrs. Cruz: