Konstruksiyon ng unang bahagi ng PNR Manila-Clark project sinimulan na

Image capture of video by UNTV

Opisyal nang sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) ang phase one ng Philippine National Railways (PNR) Manila-Clark project.

Ayon sa UNTV, pinangunahan ni DOTr Sec. Arturo Tugade ang groundbreaking ceremony ng pagsisimula ng unang bahagi ng proyekto na dinaluhan din ng mga lokal na opisyal ng Bulacan. Dumalo rin sa nasabing seremonyas sina Senador Joel Villanueva at Senador JV Ejercito na kapwa residente ng Bulacan.

Sakop ng phase one ang paglalatag ng mga riles at pagtatayo ng mga istasyon ng tren mula sa Tutuban, Maynila hanggang Malolos, Bulacan. May haba itong 38 kilometro.

Sa pahayag ng isang opisyal ng DOTr, ang phase one ng proyekto ay inaasahang magiging operational sa taong 2021 at ang phase two na aabot hanggang Clark International Airport at New Clark City ay magiging operational pagsapit ng taong 2022.

Sa pagtataya ng DOTr, aabot sa 300,000 kada araw ang tao na makikinabang sa nasabing proyekto.