Logging operation sa Zamboanga, pinatitigil ni Pangulong Duterte

Image from Sec. Manny Pinol's Facebook posts

MAYNILA, Pilipinas  –  Matapos ang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng magkasunod na bagyo noong nakaraang buwan, ipinag-utos ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapahinto sa mga logging operations sa Zamboanga peninsula.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang naturang utos ay ibinaba ng Pangulo sa ginawang Cabinet meeting sa Malakanyang nitong Lunes, ika-8 ng Enero.

“The President also ordered several logging concessions in Zamboanga Peninsula to be suspended. This after he was apprised of concerns of indigenous populations that they have been displaced by logging operations of some companies,” wika ni Roque.

Naniniwala umano ang Pangulo na ang malawakang operasyon ng logging sa lugar ang nasa likod ng pagbaha sa Zamboanga kung saan nasawi ang ilang tao noong kasagsagan ng bagyong ‘Vinta’.

Kasabay nito, sinabi rin ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang Sodaco Agricultural Corporation, isang pribadong kompanya na mayroong 60,000 ektaryang logging concession na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources’ (DENR) Integrated Social Forestry, ay isa sa mga pinatitigil ang operasyon.

Ipinag-utos na rin umano ni Duterte kay Environment Secretary Roy Cimatu na maglabas na ng closure order laban sa Sodaco, ayon pa kay Piñol.