Mag-asawang Tiamzon, muling pinaaaresto ng korte

Image by Lorena Nangahas via Facebook post

MAYNILA, Pilipinas  – Ipinag-utos ng isang korte sa Maynila ang muling pag-aresto kina National Democratic Front (NDF) consultants Benito Tiamzon at sa kanyang misis na si Wilma Tiamzon.

Sa kautusan na inilabas ni Presiding Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 na may petsang Enero 11, ipinag-utos nito na ibalik sa kulungan ang mag-asawang Tiamzon na nahaharap sa 15 kaso ng murder.

Ang naturang kautusan ay bilang sagot sa naunang kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na kanselahin ang P100,000 na bail bond na kanilang inilagak kapalit ng pansamantalang kalayaan.

Magugunitang pinayagang makalabas ang mag-asawa noong 2016 upang makalahok sa peace negotiation sa pagitan ng komunistang grupo at gobyerno, subalit ang naturang usapan ay kinansela na base sa utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nangako naman ang Philippine National Police (PNP) na tutugisin nila ang mag-asawang Tiamzon upang maibalik ito sa piitan base na rin sa kautusan ng korte.

“We will comply with the order of the court,” wika ni PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos.

Samantala, maaari pa umanong magsumite ng motion for reconsideration ang mga Tiamzon para pigilan ang napipintong pag-aresto sa kanila, ayon kay legal consultant Edre Olalia.

Naniniwala din si Olalia na hindi pa pormal na isinasara ang peace talks base na rin sa napagkasunduan ng dalawang panig.