‘Magarbong’ PCSO Christmas party, hindi nakaapekto sa tiwala ng pangulo sa mga namumuno

Mga imahe buhat sa Rody Duterte FB page at Alexander Balutan FB account

Walang epekto ang umano’y magarbong Christmas party ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa tiwalang ibinibigay ng Pangulong Duterte sa pamunuan ng naturang ahensiya, saad ni Alexander Balutan, general manager ng PCSO.

Ayon sa ulat ni Jel Santos ng Manila Bulletin, sinabi ni Balutan na sinubukan niyang kausapin si Pangulong Duterte hinggil sa Christmas party pero sinabihan siya ni Bong Go at Spokesman Harry Roque na hindi na ito kailangan. Ipinarating umano ng pangulo na buo ang tiwala niya kay Balutan at dating PCSO chairman Jose Jorge Corpuz.

Umani ng  kritisismo mula sa madla ang umano’y magarbong Christmas party matapos itong isiwalat ni PCSO board member Sandra Cam.

Ang Christmas party ng PCSO ay idinaos sa panahong kasalukuyang nanalasa ang mga bagyong Urduja at Vinta. Ginanap ang piging sa isang “five-star” na hotel sa siyudad ng Mandaluyong.

“Nakikipag-communicate lang kami kay Spokesman Harry Roque and SAP Bong Go…Hindi ko siya nakausap. Nag-attempt ako last 30–December 30–during the flag-raising ceremony—during the Rizal Day. Sabi niya, huwag na at wala naman bearing iyan. Basta pinaabot lang sa akin ni Bong Go at Harry Roque na that the trust and confidence of the President sa iyo at Chairman Corpuz is very strong,” ani Balutan.

“Kung titingnan n’yo, hindi na pinapansin ng pangulo ito,” dagdag pa niya.

Giit pa ni Balutan, ang ginamit na pera sa pagdiriwang ay hindi pera mula sa buwis ng mamamayang Pilipino kundi mula sa parokyano ng PCSO.

“Ang mga tumataya lang sa PCSO ang may karapatang magreklamo. Hindi namin ginamit ang pera ng taumbayan,” sabi ni Balutan.

Samantala, nagbitiw na sa puwesto si Corpuz bilang chairman ng PCSO kamakailan dahil umano sa kanyang kalusugan. Usap-usapan na isang miyembro ng Philippine Military Academy Class ’83 ang papalit kay Corpus bilang chairman ng ahensya