Mga ilegal na sand castle sa Boracay giniba ng PNP

Imahe mula sa PNP

Pinaigting ng mga awtoridad ang operasyon laban sa ilegal na paggawa ng mga sand castle sa Boracay bilang pagsunod sa municipal ordinance na nagbabawal sa nasabing art form kung gagamitin ang mga iyon bilang background sa photography o anumang layunin na naniningil ng bayad.

Ayon sa ulat ng Eagle News, sa ilalim ng naturang ordinansa na ipinasa noon pang 2007 ay pinapayagan ang paggawa ng sand castle sa special events o promotional activities sa kondisyong kukuha ng mayor’s permit at magbabayad ng karampatang regulatory fees.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senior Insp. Mark Anthony Gesulga, hepe ng Boracay tourist assistance center, na patuloy ang pag-iinspeksiyon nila sa mga gumagawa ng mga sand castles kung may mga permit ang mga ito.

Ang mahuhuling lumabag sa ordinansa ay papatawan ng P2,000 multa para sa unang pagkakasala. Para naman sa mga uulit pa matapos mahuli ay pagmumultahin at maaaring makulong ng hanggang 30 araw.

 Image from Phoenixperience
Image from Phoenixperience