Mga kababaihan sa Saudi Arabia pinayagan nang makapasok sa mga sports stadium

Imahe kuha sa video ng News Now

Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinayagan na ng Saudi Arabia ang kanilang mga kababaihan na makapasok at makapanood sa loob ng sports stadium nitong Biyernes, ika-12 ng Enero.

Ayon sa ulat ng Outlook, ang ginawang aksyon ng pamahalaan ng Saudi Arabia ay unang social reform ngayong taon na nagbibigay ng mas malawak na karapatan sa mga kababaihan.

Inanunsiyo ng Ministry of Information na ang unang laro na napanood ng mga kababaihan ay ang isang match ng dalawang lokal na koponan sa football – Al Ahli kontra Al Batin – na naglaro noong Biyernes, ika-12 ng Enero.

Noong Oktubre ng nakaraang taon nang ipahayag ng Saudi government na sa taong 2018 ay papayagan nang makapanood ng mga sports events ang kanilang mga kababaihan.

Ang King Fahd International Stadium, King Abdullah Sports City, at Prince Mohammed bin Fahd Stadium nasa Riyadh, Jeddah at Dammam na dati-rati ay mga “male-only venues” ay bukas na ngayon para sa mga kababaihan.

Ang pagpapaluwag sa mga restriksyon sa mga kababaihan, kabilang na ang pagpayag sa kanila na magmaneho ng sasakyan, gayundin ang muling pagbubukas ng mga sinehan sa kaharian ay bahagi ng mga social reforms na ipinatutupad ni Crown Prince Mohammed bin Salman.

Ang reporma ay tinawag na “Vision 2030” na naglalayong alisin ang imahe ng Saudi Arabia bilang isang “ultra-conservative” na kaharian.