Netizens naantig sa Chinese boy na naglakad ng mahigit 4km sa nagyeyelong temperatura, nagbigay ng tulong

Ice Boy image from People's Daily, China's Facebook page | Ice boy in winter clothes Image from Shanghaiist

Mistulang yelong natunaw ang mga puso ng mga netizens sa viral photo ng walong-taong gulang na si Wong Funan na naglakad ng mahigit apat at kalahating kilometro sa nagyeyelong kondisyon upang hindi lumiban sa unang araw ng final exam sa paaralan.

Ibinahagi ng People’s Daily, China sa Facebook page nito ang larawan ni Wong na puno ng “frost” ang buhok at pilik-mata at ang suot na damit ay ‘di-gasinong makapal laban sa napakalamig na temperatura. Ang larawan ay kuha ng kanyang guro sa Zhuanshanbao Primary School.

Agad nag-viral sa Chinese social media ang larawan at ‘di nagtagal ay maraming netizens ang nagpaabot ng tulong kay Wong  na ngayon ay binansagang “Ice Boy”. Maging ang kanyang mga kamag-aral  ay tumanggap din ng tulong.

Umabot sa 100,000 yuan o katumbas ng P775,699 ang first batch ng tulong na natanggap ni Wong mula sa mga taong nagmagandang-loob. May nagbigay din sa kanya ng makapal na damit at gloves pangontra sa lamig.

Ang mga kamag-aral ni Wong ay tumanggap naman ng tig-500 yuan bilang “winter subsidy.”  Inaasahan ding mabibigyang-tulong ang kanilang paaralan na walang heater ang mga classroom.

Ang mga donasyon ay ipinarating sa pamamagitan ng Communist Youth League and Youth Development Foundation.