Paglilinaw: “No height requirement policy, sa PNP entrance examination lamang epektibo” — NAPOLCOM

File photo

Tanging sa PNP entrance examination lamang epektibo ang no height requirement policy; ito ay ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM).

Kamakailan ay may naiulat na maaari na umanong pumasok sa PNP ang mga indibidwal na hindi papasa sa standard height ng PNP na 5’2″ sa babae at 5’4″ sa lalaki.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, nilinaw ni Atty. Edman Pares, NAPOLCOM Bicol assistant regional director na sa  PNP entrance examination lamang tinatanggal ang height requirement upang mabigyan ng patas na oportunidad na magkaroon ng eligibility mula sa kanilang opisina ang lahat ng nagnanais na maging alagad ng batas.

Sa Abril 22, 2018 umano epektibo ang naturang polisiya.

Wika pa ni Pares, kinakailangan munang maamyendahan ang batas na nagtatakda ng height requirement bago pahintulutan na makapasok bilang isang pulis ang isang indibidwal na hindi makapapasa rito.

Ani Pares, nag-iisyu ng waiver sa height requirement ang NAPOLCOM sa mga nais makapasok sa pambansang kapulisan lalo na kung may special skills ang mga ito tulad ng martial arts, sharp shooter at iba pang mga skills na may kaugnayan sa pagtatrabaho bilang isang pulis.

Nauna nang sinang-ayunan ni dating PNP Chief at ngayo’y  Senador na si Panfilo Lacson ang pagtanggal ng NAPOLCOM sa height requirement para sa mga aplikante na kukuha ng PNP entrance examination.

Maganda umano itong paraan upang mas lalong tumaas ang bilang ng mga nagnanais na maging pulis.

Hiniling din ni Lacson na higpitan din ang requirements sa beywang ng mga aplikante.

Samantala inanunsiyo naman ng NAPOLCOM ang activation ng On-Line Examination Application Scheduling System (OLEASS) sa mga website na www.napolcom.gov.phor www.napolcom-oleass.com para sa pagdaraos ng nationwide PNP Entrance and Promotional Examinations.