Robin Padilla pinanindigan ang mga naging pahayag laban sa Koreano na ‘di marunong mag-Tagalog sa ‘Pilipinas Got Talent’

Imahe mula Instagram account ni Robin Padilla/Image captured sa ABS CBN video via You Tube

Pinanindigan ni Robin Padilla ang kanyang naging pahayag sa 20-anyos na Korean na si Kim Jiwan sa audition ng “Pilipinas Got Talent” nitong Enero 13.

Sa naturang episode, pinuna ni Padilla si Jiwan dahil sa hindi  pagsasalita ng  Tagalog gayong matagal na itong naninirahan sa Pilipinas.

“Wala akong pinagsisisihan kasi ako pumupunta din ako sa ibang bansa. Kapag pumupunta ako sa ibang bansa, pinipilit kong malaman kung anong salita doon kasi bisita ka doon. Ikaw ang makikibagay,” ayon kay Padilla.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, sinabi ni Padilla na hindi niya maunawaan na ang isang tao na may 10 taon na sa bansa ay hindi pa marunong mag-Tagalog.

Kung pupunta ka dito sa Pilipinas at uutusan mo kami, at Iinglesin mo kami, sa banyagang pananalita, nagkakamali ka. Bayan ko ito at handa ako mamatay anytime para sa bayan ko. Kaya kung sasabihin mo sa akin na 10 taon ka na dito, at hindi ka pa rin marunong mag Tagalog, may problema ka,” ani Padilla.

Hindi umano nakumbinsi si Padilla sa pagsabing mahal ni Jiwan ang Pilipinas at may girlfriend pa itong Pinay ngunit hindi siya marunong mag-Tagalog.

Ngunit nilinaw naman ni Padilla na ito’y payo lamang niya kay Jiwan bilang isang anak.

Hindi ko naman siya inaaway. Sinabihan ko lang siya na parang tatay niya. Sabi ko sa kanya, ‘Ako parang tatay mo. Tandaan mo iyan. Mayroon akong kilalang Korean, si Ryan Bang, mas magaling pa sa akin mag Tagalog.’ Yun lang naman. Advice ko lang sa kanya,” ani Padilla.

Sa kabila nito nakakuha pa rin ng tatlong ‘Yes’ votes si Jiwan sa mga hurado na tanging si Freddie Garcia ang nag-no.

Samantala may payo naman si Padilla sa mga bumabatikos laban sa kaniya.

“Ganun talaga. Mahalin nila ‘yung Korean kung gusto nila. Wala namang problema sa akin ‘yun eh. Magpakamatay sila sa Korean kung gusto nila. Wala naman problema sa akin ‘yun,” ani Padilla.

“Kung tayong mga Pilipino ay hindi tayo magiging patriotic sa bansa natin, huwag tayong humingi ng pagbabago. Kung tayo mananatili tayong alipin ng dayuhan, kayo na lang. Hindi ako magpapaalipin sa dayuhan sa bansa ko. Hindi mangyayari ‘yun. Ako ang hari dito dahil bansa ko ito,” dagdag pa nito.

Samantala sa Instagram account ni Padilla, sinabi nito na magkaiba ang Filipino kospitality sa pagiging alipin at ‘stupidity’.

Panoorin ang pahayag na ito ni Robin Padilla kaugnay sa isyu: