Roque, nilinaw ang kanyang pahayag hinggil sa pagtaas ng sahod ng public school teachers

Image via Presidential Communications Operations Office

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang kanyang naging pahayag na umano’y nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang sahod ng public school teachers.

Ani Roque: “My statement was I am not sure how much the increase …. judging from the military and police…. could be double. No mistake there since I said I do not know by how much and speculated only.”

Nangyari umano ang paglilinaw ni Roque matapos ang naging pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na sa kasalukuyan ay walang pondong nakalaan para sa karagdagang sahod ng mga guro, ayon sa ulat ng TNT Abante.

Ayon kay Diokno, hindi pa sa ngayon prayoridad ang pagtaas ng sahod ng mga guro sapagkat nakahanay umano ang mga popondohang imprastruktura ng bansa, ayon sa inisyal na ulat ng Bombo Radyo.

Ngunit ipinunto ng budget secretary na mayroong dalawang salary increase na nakalinya sa mga empleyado ng pamahalaan mula umano sa Salary Standardization Law na ipatutupad hanggang 2019.

Sa inisyal na ulat ng Balita DF, ipinaliwanag ni Diokno na karagdagang P500 bilyong halaga ang kakailanganin upang mabigyan ng karagdagang sahod ang mga guro sa pampublikong paaralan.

Aniya: “Unfortunately, that requires a huge amount because there are 600,000 teachers, and I would think that salaries alone of teachers would be about half-a-trillion pesos… Doubling the salaries of teachers would need half-a-trillion pesos.”