Tunay bang matulungin ang mga Pinoy sa nakatatanda? Sinubukang alamin kung may mga “good samaritans” pa rin

Image Capture of Video by GMA via Youtube channel
  • Isang “social experiment” ang ginawa upang malaman kung matulungin ba talaga ang mga Pinoy sa nakatatanda
  • Lahat ng kanilang “targets” ay walang pagdadalawang-isip na binayaran ang pagkain ni nanay
  • Marami pa rin sa ating mga Pilipino ang likas na maawain at matulungin

Isa sa mga nakaugalian na raw ng mga Pilipino ay ang pagiging mabait at matulungin sa mga nakatatanda. Sa panahon ngayon, patuloy pa rin ba nating binibigyang-halaga ang pagtulong sa kapwa lalo na sa may mga edad?

Isang “social experiment” ang ginawa ng programang Good News ng GMA. Gusto nilang patunayan na ang mga Pinoy ay may puso pa rin sa mga nangangailangan. Sa kanilang experiment isang matanda ang gaganap bilang customer sa isang kainan. Si nanay ay hindi pala kasya ang perang dala bilang pambayad. Isang staff naman ang magiging kasabwat na siyang sisingil sa matanda.

Sa kanilang unang target tinabihan ni nanay ang isang may edad na rin na mag-asawa. Habang sinisingil ng kasabwat na staff ang bayad ni nanay, ay panay bilang si nanay sa kanyang pera. Doon niya sasabihin na hindi pala kasya ang kanyang dalang pera. Humingi ito ng senior citizen discount ngunit hindi pa rin kasya ang pera niya. Panay ang pag-uusap ni nanay at ng staff hanggang sa sinabi ni nanay na maghuhugas na lang siya ng plato para may pambayad. Dito ay mabilis na umaksyon ang lalaking katabi nila at binayaran agad ang pagkain ni nanay.

Sa kanilang mga sumunod na target ay ganoon rin ang nangyari. Ang isa pa nga ay naiyak nang malaman na ito pala ay isa lamang pagsubok. Aniya ay naalala raw niya ang kanyang mabait na lola at hindi siya nagdalawang-isip na tumulong. Isang grupo rin ng mga “animo’y barakong” mga lalake ang talagang malambot ang mga puso upang bayaran ang pagkain ni nanay.

Kaya ang sagot sa tanong kung tayo ba ay matulungin pa rin sa mga nakatatanda ay oo naman! Nakabibilib pa rin ang likas na pagkamaawain at mabait ng mga Pinoy.

Maaaring mapanood ang nakaaantig na video ng Good News mula sa YouTube channel ng GMA.

Source :

GMA, Youtube