Ama ni KZ Tandingan, ipinagdasal umano ang pagsali ng anak sa Singer 2018

Imahe mula sa Instagam account niKZ Tandingan

Marami ang pinabilib ni KZ Tandingan nang tinalo niya sa Singer 2018, isang singing competition sa China, ang iniidolo niyang si Jessie J na isang British pop star.

Si KZ ang unang tumalo kay Jessie J sa nasabing kompetisyon nang awitin niya ang jazzy version ng “Rolling in the Deep” na pinasikat ni Adele na isa ring sikat na British singer.

Ang pagkapanalo ni KZ ay lubos na ikinagalak ng kanyang pamilya. Ayon sa kanyang ama na si Tex Tandingan, Jr., na halos hindi makapaniwala na nakapasok sa Singer 2018 si KZ, ipinagdasal umano niya ang pagsali ng anak sa nasabing singing contest.

“Yung pagsali niya sa Chinese competition, ipinagdasal ko din ‘yan, lahat ng kanyang nakamtan. Biruin mo, sa kadami-dami ng tao sa Pilipinas siya ‘yung pinili mag-represent?” anang ama ng mang-aawit.

Ayon pa kay Ginoong Tandingan, hindi lubos akalain ng kanilang pamilya na unti-unti nang natutupad ang pangarap ni KZ na maging kilala sa larangan ng musika at pag-awit.

Kuwento pa ng ama, tatlong taong gulang pa lang umano si KZ ay kinakitaan na ito ng hilig sa pag-awit.

“Three years old pa lang ‘yan, sumasabay na ‘yan sa akin mag-karaoke,” kuwento ng kanyang ama.

Panoorin ang mga video ni KZ Tandingan at Jessie J mula sa Singer 2018:

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook, ABS-CBN, Radyo Inquirer