Aquino, hiniling sa Sandiganbayan na itigil ang pagdinig sa Mamasapano

Image from DU30 MEDIA Network

MAYNILA, Pilipinas  –  Hiniling ni dating Pangulong Benigno ‘Noy’ Aquino III sa Sandiganbayan na itigil muna ang pagdinig hangga’t hindi pa nareresolba ang kanyang nakabinbing ‘Motion to Quash Amended Informations’ sa korte.

Sa manifestation na ipinasa ng kampo ni Aquino sa pangunguna ng kanyang abogado na si Atty. Romeo Johann Fernandez, nais ng dating presidente na itigil muna ang lahat ng pagdinig, kasama na ang pagsumite ng kanyang ‘pre-trial brief’, hangga’t wala pang resolusyon sa kanyang nakapending na mosyon.

Humiling ng limang araw o hanggang Pebrero 10 si Aquino para isumite ang kanyang ‘pre-trial brief.

“Undersigned counsel is now preparing the Pre-trial Brief. Due to the voluminous documents involved in the case, the undersigned needs more time to prepare the same,” anang manifestation ni Aquino.

Ang dating Pangulo ay nahaharap sa isang kaso ng graft at isang kaso ng usurpation of authority na may kaugnayan sa ‘Oplan Exodus’ na nauwi sa pagkamatay ng 44 Special Action Force (SAF) at 8 iba pa sa madugong enkuwentro sa Mamasapano noong Enero 25, 2015.

Kasama niyang sinampahan ng kaso sina dating PNP chief Alan Purisima at SAF chief Getulio Napeñas.

Ayon kay Fernandez: “If the Motion Quash Informations is granted, all incidents and proceedings taken up in the meantime will be rendered moot.”

Itinanggi naman ng abogado ni Aquino na isa lamang itong paraan para maantala ang pagdinig sa kaso.