Balutan, inabsuwelto ni Duterte sa ‘magarbong’ Christmas party

Image from Joseph Muego's Facebook post

MAYNILA, Pilipinas  –  Wala umanong kaso kay Rodrigo Pangulong Duterte kung gumastos man ng malaki ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ginanap na Christmas party ng kanilang empleyado noong nakaraang Disyembre.

Dapat pa umanong pasalamatan si PCSO General Manager Alexander Balutan dahil sa malaking tulong na naibibigay ng ahensiya sa mga tao, ayon pa kay Duterte.

“Pasalamatan natin si General Balutan.  ‘Yung kaso niya na ano, ‘yung sabihin niya, ‘I spent P4 million sa’ – ako, wala ‘yan sa akin,” wika ni Duterte sa kanyang talumpati sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu nitong Lunes.

Ang importante raw ay napupunta sa mga tulong para sa publiko ang pera ng ahensiya. Hindi rin umano nakapagtataka na gumastos ng P4-M ang PCSO dahil marami naman itong empleyado.

“Akin, party, baka akalain mo isang opisina lang ‘yan, sabi nila,” dagdag pa ng Pangulo.

Nauna nang iginiit ni Balutan sa ginagawang imbestigasyon sa Senado na walang ‘iregularidad’ sa naging gastos ng ahensiya para sa nagdaang Christmas party lalo pa’t nagtaasan na rin talaga ang presyo ng mga bilhin.

“I think considering the current situation, ‘yung presyo ngayon ay mataas na rin, I think it’s appropriate,” wika ng opisyal. “I believe that was the very minimum na puwede natin gamitin sa ating mga empleyado na mahihirap din.They deserve that because billions of pesos ‘yung naiakyat. It’s a morale booster for our employees.”

Katunayan daw, paliwanag pa ni Balutan, P14-M ang orihinal na budget na inaprubahan ng DBM para sa okasyon subalit naibaba nila ito sa P6-M na lamang.