‘Big three’ Yap, Pingris, at Simon, nag-reunion

Imahe mula sa Instagram post ni Nonoy Simon

Muling nagkasama-sama ang tinaguriang “Big three” ng grandslam team San Mig Coffee Mixers, hindi sa court kundi sa simbahan.

Nagmistulang reunion nina James Yap, Marc Pingris, at Peter June Simon ang pagdalo nila sa kasal ng kasamahan nilang si Mark Barroca kay Ruselle Ann Alinea.

Sa Instagram post ni Marc Pingris, makikitang magkakatabi ang tatlong basketbolista sa loob ng simbahan kung saan idinaos ang Church wedding ng mag-asawang Barroca.

“Mula noon hanggang ngayon,” ani Pingris sa kanyang post na ni-repost din nila Yap at Simon sa kanilang Instagram account.

Unang nagkasama-sama sa iisang koponan ang tatlo noong 2004 sa Purefoods Tender Juicy Giants na kalaunan ay pinangalanang Bmeg Llamados at San Mig Coffee Mixers.

Noong 2014, sama-sama nilang nakamit ang mailap na grandslam kung saan ang groom na si Barroca ang pangunahing playmaker ng team noon.

Sa isa hiwalay na Instagram post ni Simon, makikitang kasama ng tatlo si Barroca at ang dati rin nilang kakampi na si JC Intal.

Madalas na pinupuri noon ang “Big three” dahil sa kanilang samahan sa loob at labas ng court na pinagtibay na rin ng higit isang dekadang pagsasama sa iisang koponan (na Magnolia na ngayon).

Ngunit nagulantang ang lahat nang magdesisyon ang Purefoods franchise na i-trade si James Yap sa Rain or Shine kapalit ni Paul Lee noong 2016.

Naiwan si Pingris, Simon, at si Barroca sa koponan.

Si Yap ang go-to player ng koponan nang matagal na panahon kaya nagulat ang madla nang ilipat siya. Simula noon, hindi na madalas magkasama ang tatlo dahil magkakaiba na ang kanilang schedule.

Simula rin noon, hindi na rin nababanggit ang alyas nilang “Big three.”

Source :

Instagram