Chinese scientists kauna-unahan sa mundo na nakapag-regenerate ng human lung tissue sa pasyente

Imahe mula sa China News

Tagumpay na nakapag-regenerate ng human lung tissue ang mga Chinese scientists sa isang pasyente gamit ang sariling stem cell ng nasabing pasyente. Ito ay ayon kay Zuo Wei, ang lead researcher mula sa School of Medicine ng Tongji University sa Shanghai.

Sa ulat ng ECNS, matapos makakuha ng dose-dosenang stem cells sa pamamagitan ng pag-iskoba sa baga ng pasyente, hinayaan iyon ng mga siyentista na dumami nang ilampung milyon sa loob ng laboratoryo at pagkatapos ay inilipat ang mga iyon sa pamamagitan ng transplantasyon sa may pinsalang bahagi ng baga ng pasyente.

Ayon kay Zuo Wei, makalipas ang tatlo hanggang anim na buwan, ang transplanted stem cells ay nakalikha ng bagong lung structures na nag-repair sa damaged lung tissue.

Paglalahad ni Zuo Wei, 80 pasyente ang kasama sa clinical experiments na nagsimula noong April 2016 at lahat sila ay nagpakita ng progreso. Nabawasan umano ang kanilang pag-ubo, plema at pangangapos ng hininga.

Dagdag pa niya, hindi lahat ng damaged tissue ng baga ay napapaigi ng transplanted stem cell, subalit makikita ng lahat ang pag-igi ng pasyente.

Saad ni Zuo Wei, ang stem cell transplantation ay maaari lang sa mga lung diseases na sanhi ng damaged tissue tulad ng bronchiectasis, chronic obstructive pulmonary disease at interstitial lung disease. Hindi umano kasali ang lung cancer.

Ayon kay Dr. Dai Xiaotian, ang responsable sa isinagawang clinical trials, magre-recruit sila ng mas maraming pasyente ngayong taon sa clinical trials at lahat sila ay isasailalim sa mas mahabang obserbasyon.

Layon ng kanilang research na malaman kung maaari ring gamitin ang stem cell transplantation sa ibang uri ng sakit gaya ng sa kidney at uterus.

Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay na-publish sa Protein & Cell science journal.

 Imahe mula sa China News
Imahe mula sa China News