DOLE, pormal nang inanunsyo ang ‘Total ban on deployment’ ng OFWs sa Kuwait

Image capture of video by GMA News via YouTube account

(Manila, Philippines) Pormal nang inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang total ban sa deployment ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.

Ito ang ipinahayag ni Secretary Silvestre Bello III sa pulong balitaan nitong Lunes.

Ani Bello: “In pursuit of national interest, and with the advent of the series of reports involving abuse and death of Overseas Filipino Workers in Kuwait, a total ban on deployment of all overseas Filipino workers to Kuwait pursuant to the directive of the President of the Philippines is hereby enforced.”

Sinabi rin ni Bello na paiiralin ito hangga’t hindi napipirmahan ang “Memorandum of Understanding” sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas, ayon sa ulat ng State of the Nation.

Dumalo naman sa nasabing pulong ang pamilya ni Joanna Demafelis, ang nasawing OFW na nakita umano sa freezer sa isang apartment sa Kuwait, ayon sa inisyal na ulat ng GMA.

Una nang ipinagbawal ng gobyerno ang pagpapadala ng mga first time OFW sa Kuwait bago pa ang naturang total ban dahil na rin sa mga ulat ng pagmamaltrato, pang-aabuso at pagkasawi ng ating mga kababayan.

Ang nasabing ban ay tugon na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nito lamang, sinabi ng Pangulo na tutulungan ng pamahalaan ang mga OFW na nais nang umuwi sa Pilipinas mula sa Kuwait.

Mayroon namang panibagong pangkat ng OFW ang dumating sa bansa nitong Lunes.

Habang pinag-aaralan din umano ng DOLE kung hahayaan pang makabalik ng Kuwait ang mga OFW na kasalukuyang nagbabakasyon sa bansa.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa GMA News:

Source :

GMA, YouTube, PhilStar