Duterte, nagbabala sa mga opisyal ng Cebu sa patuloy na problema sa droga

Image from PCOO Facebook page

Binalaan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alkalde, gobernador at pulis ng Cebu sa patuloy na problema sa ilegal na droga sa lalawigan.

Tahasang inihayag ito ng Pangulo sa isang pulong sa Cebu na dinaluhan ng 800 alkalde at gobernador mula sa Visayas at Mindanao.

Ayon sa Pangulo, nananatiling pinakamataas ang bentahan ng ilegal na droga sa Cebu at aniya’y nakontamina na rin ang mga pulis.

Ipinag-utos ng Punong Ehekutibo na gamitin ng mga opisyal ang kanilang pulisya, at kung hindi tutupad sa tungkulin ay agad itong ipaalam sa kanya.

Iginiit din ng Pangulo na hindi siya papayag na mayroong mga pulis na korap at tatamad-tamad.

Bukod sa nasabing babala, tinalakay ni Duterte ang usaping Pederalismo at terorismo, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Nagpahiwatig naman ng suporta ang mga dumalo sa nasabing pulong na anila isa itong magandang pagkakataon para sa lokal na pamahalaan na makakuha nang mas malaking bahagi ng buwis.

Ayon kay Liloan Mayor Christina Frasco, marami pang magagandang serbisyo ang maibibigay nila dahil malaki ang maitutulong ng Pederalismo.