Ex-PBA player Mark “Captain Hook” Cardona, inireklamo dahil sa pagsanla ng “carnap” na sasakyan

Imahe mula sa Philnews

Nahaharap sa isang reklamo ang dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Mark Cardona dahil sa pagsanla nito ng isang sasakyan na hindi niya pag-aari. Ang nasabing sasakyan ay naka-alarma sa Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police bilang isang carnapped vehicle.

Sa ulat ng GMA News, isinanla umano ni Cardona, kilala sa PBA bilang si “Captain Hook”, kay Michelle Flores ang Subaru Forrester sa halagang P300,000 noong ika-13 ng Nobyembre 2017 at nangakong tutubuan ito ng 20% hanggang sa ika-30 ng Nobyembre 2017.

Bagama’t may kaunting agam-agam dahil hindi rehistrado ang sasakyan, pumayag si Flores na isanla sa kanya ang sasakyan dahil isang kumare niya ang nagbigay ng garantiya na mababayaran siya.

“Noong November 13 ay lumapit po ang aking kumare na nagsabi at nag-alok sa akin kung gusto ko raw tanggapin ang pagsasanla ni Mark Cardona ng isang sasakyang Subaru Forester sa halagang P300,000 at ito ay kaniyang tutubuan ng 20 percent hanggang sa araw ng November 30 o kanyang ibabalik na halaga ay P370,000,” ayon sa affidavit na isinumite ni Flores sa HPG.

Nang dumating ang araw ng Nobyemre 30 ay hindi natupad ni Cardona ang pangakong magbabayad. Humingi si Flores ng tulong sa isang law firm at isang television show upang masingil ang basketbolista ngunit bigo sila.

Nagtungo ang biktima sa Land Transportation Office sa Pasig City upang beripikahin ang estado ng sasakyan at doon nalaman na isang carnapped vehicle pala ang Subaru Forrester at nakaalerto sa HPG.

Nang ipaalam ni Flores na carnapped pala ang sasakyan ay nagalit pa umano sa kanya ang basketbolista at mula noon ay hindi na nito sinasagot ang kanyang mga tawag.

Isang Jarwin Uy ang orihinal na may-ari ng Subaru Forrester at ibinenta niya iyon sa car dealer na kinilalang si Mark Macapagal, ngunit hindi siya nabayaran at hindi na rin naisoli ang sasakyan kaya nagdesisyon siyang magsampa ng reklamong carnapping laban kay Macapagal.

Hindi pa natutukoy kung paano napunta kay Mark Cardona ang nasabing sasakyan.