Grab driver na nagsauli ng cellphone na naiwan, binugbog sa halip na pasalamatan ng pasahero

Imahe mul sa Facebook account ni Kiel Nigel Yabut

Hustisya ang panawagan ng isang Grab car driver matapos siyang bugbugin – sa halip na pasalamatan – ng pasahero na nakaiwan ng cellphone sa kanyang sasakyan.

Ayon sa GMA News, ikinuwento ni Armando Yabut, 30-anyos, na naiwan ng pasaherong si Jinno Jhon P. Simon ang cellphone nito sa kanyang sasakyan noong ika-9 ng Pebrero.

Ani Yabut, noong sakay niya si Simon na nagpahatid sa Kamuning, Quezon City ay naki-charge umano ito ng cellphone.

“Along the way po naki-charge po ‘yung passenger. Nung naki-charge po ang inabot lang po niya sa ’kin ‘yung connector. So sinaksak ko lang po ‘yung connector, ‘yung cellphone po niya nasa likod po,” kuwento ng biktima.

Napansin lang umano ni Yabut na naiwan ang cellphone sa sasakyan nang makauwi na siya ng bahay sa Taytay, Rizal. Agad daw niyang ini-report sa Grab ang nangyari at ipinahanap ang detalye ng pasahero upang ma-contact.

“Nung tumawag po ‘yung passenger sabi po niya, ang bait po eh, ‘Kuya okay lang po ba pakisauli ‘yung cellphone ngayon na po. Emergency po, okay lang po ba bayaran ko na ‘yung pang-gas mo? Nag-offer po ng pera, bibigyan daw po ko pang-kain,” kuwento ni Yabut.

Subalit noong dalhin na ni Yabut ang iPhone sa bahay ni Simon ay pinagbintangan siya na nagkainteres doon at sinimulan na siyang bugbugin.

“Pagdating ko po doon sa bahay nila, ang bungad po sa akin ‘Kaninong cellphone ‘yan?’ Sabi ko, ‘Sa inyo po, Sir.  Ako po ‘yung driver.’  Sabi niya sa ‘kin, ‘Pinag-interesan mo ‘yung cellphone ko, magnanakaw ka!’ Tapos ‘yun inumpisahan na po niya kong bugbugin. Sinuntok po niya ko sa mukha nang malakas tapos napaupo po ako… sinakal po niya ko tapos pinatumba po niya ko tapos ‘yung mukha ko talagang dinidikdik po niya sa semento,” kuwento ni Yabut.

May pulis na rumesponde at inimbitahan sila sa police station subalit tumanggi umano si Simon kaya sa barangay sila nagharap kung saan iginiit muli ni Simon na ninakaw ni Yabut ang iPhone.

Reklamo pa ni Yabut, pinipilit umano siyang paaminin ng isang babae na nasa barangay.

“‘Yung babae po doon sa loob ng barangay, kinausap po niya ko, sabi niya ‘Umamin ka na kasi… wala naman mawawala sa iyo kung aamin ka, wala namang mawawala sa pagkalalaki mo,'” kuwento pa niya.

Wala naman umanong balak makipag-areglo si Yabut at itutuloy niya ang reklamo laban kay Simon.

Gamit ang Facebook account ng isang “Kiel Nigel Yabut,” nanawagan ng hustisya ang driver.

Samantala, bukas ang pahinang ito sa panig ng may-ari ng iPhone.

Fact-checked against the following source(s) :

GMA Network, Facebook