Hiling ng lolo na sumaya kahit isang araw lang, tinupad ni Anne Curtis

Imahe mula sa YouTube video ng Viva Ent

Nabigyan ng katuparan ng aktres-host na si Anne Curtis ang kahilingan ng isang lolo na maging masaya kahit isang araw lang.

Ayon sa Abante, isang fan ni Curtis ang humiling sa kanya na pasayahin ang isang matandang lalaking taga-Batangas, si Mang Elino Andres.

Simple lamang ngunit tagos sa puso ang kahilingan ng matanda. Iyon ay ang maranasan niya na guminhawa sa buhay; makapag-relax kahit isang araw lamang kasama ang kanyang misis at dalawang apo.

Sa pamamagitan ng kanyang Dream Machine project, tinupad ni Curtis ang nasabing kahilingan.

Dinala ang pamilya ni Tatay Elino sa Maynila mula Batangas. Pinatuloy sa isang magarang hotel sa Quezon City at pinag-spa. Nakaharap pa ng lolo at ng kanyang pamilya ang dream maker na si Curtis, na sobrang na-touch naman sa dasal na ibinigay sa kanya na para sa kanya ay isa raw magical encounter.

Marami nang kahilingan ang natupad ni Curtis ngunit hindi ito makikita na ipinagmamalaki niya sa kanyang Instagram account.

Matatandaang nag-donate din si Curtis kamakailan ng pitong milyong piso para sa mga batang may kapansanan. Narito ang ekslusibong ulat dito ng Viva Entertainment: