‘Ito lang sapat na sa Valentine’s!’ Sweet photos ng Cargel, kinakiligan ng maraming FB users

Mga imahe mula sa Facebook page na Angelica Panganiban

Naghatid ng labis na kilig at “90’s feels” ang sweet photos ng dating magka-love team at dati rin magkasintahang sina Carlo Aquino at Angelica Panganiban.

Ilang oras bago ang Araw Ng Mga Puso ay ipinost sa Facebook ng fan page ni Panganiban ang apat na nakakikilig na larawan ng Cargel, na nanatili pa ring malapit na magkaibigan pagkatapos ng hiwalayan nila bilang onscreen partners at real life couple.

“Ikaw pa rin talaga,” saad ng caption sa set ng mga larawan.

Libu-libong Facebook users ang natuwa nang makita ang mga litrato. Daan-daan sa kanila ang nag-iwan ng komento.

“You deserve to be happy, Angelica. Sa bawat sakit na naramdaman mo, ramdam na ramdam ko lahat ‘yon. Sana maging happy ka na,” ani MM.

“Kayo lang ang mkakapagpatunay na may destiny ‘pag nagkagano’n. Mula G-mik hanggang ngayon pinakikilig ninyo ako,” sabi ni YS.

“Sharon-Gabby’s millennial version. Haha kilig!” wika ni AP.

“Kayo na lang ulit, please,” hiling ni AV.

Habang ginamit din ni MJ ang famous line ni Aquino sa isang pelikula na, “Akala mo lang wala pero meron, meron!”

“Kayo ‘yong love team na walang kupas! At alam ko sa mga tinginan n’yo ‘yong dati, ‘yong pag-ibig sa isa’t isa, hindi din kumupas. Akala n’yo lang wala! Pero meron! meron! Hahahaha sana maging official na kayong mag-jowa hehe #carlgel,” aniya.

Samantala, marami ang nagsabi na ayos lang daw kung wala silang ka-date ngayong Valentine’s Day dahil napuno na ang mga puso nila ng kilig dahil sa mga larawan ng Cargel.

“Kahit wala ako love life sa panahon ng Valentine’s, ito lang sapat na. Masaya ako sobra, kilig overload!” kumento ni RW.

“Wow, okay lang ako na walang date sa Valentine’s. Basta makita ko lang kayo na ganiyan ka-sweet at sana magkabalikan na kayo kasi kayo ang tinadhana ni Papa God. Excited ako sa inyo,” sabi naman ni MT.

As of posting, nakakuha na ang set of photos ng 22,000 reactions, mahigit 2,500 shares, at halos isang libong comments.