Kathryn Bernardo, kinuha ng Comelec upang himukin ang mga kababaihan na kumandidato sa halalan

Image from Kathryn Bernardo's Instagram account

Kinuha ng Commission on Elections (Comelec) ang serbisyo ng sikat na aktres na si Kathryn Bernardo upang himukin ang mas maraming mga kababaihan na lumahok sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Ayon sa ulat ng Philstar, lalabas umano si Bernardo sa online video ng Comelec sa darating na buwan ng Abril upang hikayatin ang mga kababaihan na magsumite ng kanilang certificates of candidacy (COC).

Umaasa si Commissioner Rowena Guanzon, gender and development committee head ng Comelec, na mahihikayat ni Kathryn  ang mga kababaihan na tumakbo sa halalan dahil maimpluwensiya umano ang aktres, lalo na sa mga kabataan.

Ani Guanzon, hinahangaan at sinusubaybayan ng marami si Kathryn hindi lang bilang isang aktres kundi bilang isa ring role model.

Sinabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez na dapat gamitin ng mga kababaihan ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng pag-file ng COC. Dagdag pa niya, mas maraming mga babae ang rehistradong botante, subalit mas marami ang mga lalaki na naboboto sa posisyon.

Ang pagsusumite ng COC para sa barangay at SK elections ay nakatakda sa Abril 14 hanggang Abril 20.