Kemikal na inihahalo sa mantika na ginagamit sa pagluto ng McDonald’s fries posibleng solusyon sa “hair loss”

Imahe kuha mula sa video ng WSJ

Isang kemikal na inihahalo sa mantika na ginagamit sa pagluluto ng McDonald’s fries ang posible umanong solusyon sa hair loss o pagkawala ng buhok, ayon sa mga siyentistang Hapones.

Ayon sa Business Insider, natuklasan umano ng mga siyentista mula sa Yokohama National University na ang paggamit nila ng kemikal na dimethylpolysiloxane, na matatagpuan sa silicone, ay makakapag-mass produce sila ng hair follicle germs na nakapagpapatubo ng buhok kapag na-transplant sa mga daga.

Ang dimethylpolysiloxane ay ang kemikal na inihahalo upang hindi bumula at hindi tumilamsik ang mantika na ginagamit sa pagprito ng fries sa McDonald’s.

Ang mga siyentista na pinangunahan ni Professor Junji Fukuda ay nakapag-cultivate ng 5,000 “hair follicle germs” na ininiksyon sa likod ng mga kalbong daga. Sa loob lang umano ng ilang araw ay tumubo na ang mga buhok sa mga daga.

Bagama’t limang taon pa ang kailangan upang masubukan sa mga tao ang kanilang natuklasan, naniniwala si Fukuda na magiging epektibo iyon sa pagpapatubo ng makapal na buhok.

Pinabulaanan naman ni Prof. Fukuda ang maling pagkakaintindi sa ginawa nilang research na ang pagkain daw ng McDonald’s fries ay makatutulong sa pagpapalago ng buhok.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Business Insider, Inquirer, Newsweek