Labi ng Pinay na natagpuang patay sa freezer sa Kuwait, iuuwi na sa Biyernes, Peb. 16

Images via Elmer G Cato Facebook account

Sa Biyernes, ika-16 ng Pebrero ay ibibiyahe na ang mga labi ng sinawimpalad na OFW na pinaniniwalaang pinatay ng kanyang amo sa bansang Kuwait bago itinago sa freezer sa isang abandonadong apartment unit.

Sa pahayag ni Elmer G. Cato ng DFA sa Facebook post nito ay sinabi nitong:  Si Joanna Demafelis, sa wakas, ay uuwi na bukas. Ngunit kaiba sa iba nating kababayan na pabalik na ng bansa sa tulong ng Philippine Embassy sa Kuwait, si Joanna ay darating sa Manila na nakasilid sa isang kabaong.

Ang 29-anyos na kasambahay na taga-Iloilo ay natagpuang wala nang buhay sa loob ng freezer sa isang apartment unit na mahigit isang taong nang abandonado. Kasalukuyang pinaghahahanap ng mga awtoridad ng Kuwait ang Lebanese na amo ni Joanna at ang asawa nitong Syrian na sa palagay nila ay nasa likod ng krimen na gumimbal, hindi lang sa mga Filipino kundi maging sa mga taga-Kuwait. Nitong hapon, ang Ambassador sa Kuwait na si Rene Villa ay nagtungo sa Al-Sabah Hospital mortuary upang silipin ang mga labi ni Joanna at tiyakin na nakahanda na ang lahat para sa huling paglalakbay ng ating kababayan pauwi sa kanyang pamilya.

Ayon sa resulta ng autopsiya sa bangkay ng kapuspalad na OFW na napag-alamang taga-Barangay Ferraris, Sara, Iloilo, ang ikinamatay ni Joanna ay matinding pambubugbog.

Saad ni Ambassador sa Kuwait na si Renato Pedro Villa na bukod sa marami umanong sugat sa katawan, nabalian rin ng ribs ang kawawang OFW at nagtamo ng contusion, trauma sa pelvis at sa kidney area, at nagkaroon ng internal bleeding.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Kuwait ay sinasabing wala nang buhay si Joanna nang inilagay siya sa freezer.

Samantala, nauna nang ipinagbawal ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga first time OFW sa Kuwait bago pa man ang naturang total ban. Ito’y bunsod na rin ng mga ulat ng pagmamaltrato, pang-aabuso at pagkasawi ng ilan nating mga kababayan.