Loisa kay Ronnie: Parang ‘di kumpleto araw ko ‘pag ‘di ko siya nakikita

Mga imahe mula sa Instagram account ni @iamandalioloisa

Hindi raw kumpleto ang araw ng aktres na si Loisa Andalio kapag hindi nakikita ang kanyang ka-love team na si Ronnie Alonte.

Ayon sa PEP, hindi pa inaamin nina Loisa at Ronnie kung ano ang tunay na estado ng kanilang relasyon ngunit ayon sa aktres ay masaya raw sila sa isa’t-isa.

“Parang ‘di kumpleto ang araw ko ‘pag ‘di ko siya nakikita. Gano’n ka ‘pag nasanay ka na na ‘yong tao lagi mong nakakasama,” saad ni Loisa.

Gayunman, wala pa naman daw silang relasyon at hindi raw sila nagmamadali.

“Wala pa naman, sa amin kasi, what you see is what you get. ‘Di kami nagmamadali, basta ini-enjoy namin ‘yong company ng isa’t isa. Masaya kami sa isa’t isa, wala kaming ginagawang masama. Wala kaming tinatapakang tao. Kaya kung ano ang ginagawa namin, go kaming dalawa,” dagdag niya.

Masaya raw ang aktres dahil natupad na ang matagal na niyang hiling na magkasama sila ni Ronnie sa isang proyekto. Magkatambal sila sa Wansapanataym Presents: Gelli in A Bottle.

“Masaya, ‘di ba laging sinasabi na gusto ko magka-work kami? Nangyari naman ngayon. Masaya kasi ‘di mo na kailangang mag-pretend na magpakilig. ‘Di ba, may mga fans na for the sake of ganiyan, magpakilig? At least ako, ‘di ako nahihirapan. Parang ‘di ko pinepeke ang sarili ko kaya masaya ako. Excited ako, sobrang excited ako kasi lumalabas kami nito (Ronnie). ‘Di ko naiisip na baka magkakaeksena kami. Ngayon, nangyayari, ‘di ko ine-expect, nakakatuwa,” masayang pahayag ni Loisa.

Samantala, dinepensahan ni Loisa si Ronnie laban sa bashers na nagalit dahil sa pagbura ng aktor sa kanyang Instagram account ng mga larawan kasama ang mga dati niyang ka-love team. Binatikos ang aktor ng RonLia o Ronnie Alonte-Julia Barretto fans at ng SuNie o Sue Ramirez-Ronnie Alonte fans.

Katuwiran naman ni Ronnie, kaya niya binura ang nasabing mga larawan ay upang mag-focus na ang mga tao sa bago niyang love team, ang love team nila ni Loisa.

Narito ang trailer ng Gellie in a Bottle: