Manhunt sa pumatay sa deputy chief ng Cainta police, inilunsad; P100K pabuya ibibigay sa makapagtuturo sa suspek

Image capture from GMA News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief Director Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang malawakang manhunt sa suspek sa pagbaril at pagpatay kay Senior Inspector Jimmy Senosin, ang deputy police chief ng Cainta, Rizal.

Si Senosin ay napatay matapos rumesponde sa isang insidente kung saan inireport ng isang concerned citizen ang dalawang armadong tao na aali-aligid sa may Lakas Bisig Floodway Linggo ng gabi, ika-11 ng Pebrero.

Nang dumating sa lugar, kaagad umanong pinaputukan ang mga pulis ng mga suspek na nakilalang sina Robin Gomez alyas Ruben Tae at isang alyas Ekis na parehong nasa drug watchlist ng munisipalidad.

Ayon sa mga kasamahan ni Senosin, hinagisan pa umano sila ng granada subalit hindi ito sumabog. Tinamaan naman sa ulo ang biktima dahil sa nangyaring palitan ng putok.

Kaagad dinala sa pagamutan si Senosin subalit binawian din ito ng buhay makaraang ang ilang oras.

Naaresto naman ang dalawa pang kasamahan nina Gomez at Ekis na sina Ronaldo Idolog at Jophine Lachica.

“The chief PNP ordered the manhunt against these suspects who are responsible for the death of Senosin and assured the bereaved family that justice will be served,’ ani PNP spokesperson Chief Superintendent John Bulalacao. “As expected, since there is an order from chief PNP, the Cainta police and Rizal Provincial Command should intensify manhunt operations against Ruben Tae and Ekis.”

Samantala, naglaan na ng P100,000 pabuya ang pamahalaang lokal ng Cainta para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa dalawang suspek sa krimen.

Ayon sa pulisya, miyembro sina Gomez at Ekis ng tinaguriang “Highway Boys” na sangkot sa holdapan, pagnanakaw at pagbebenta ng ilegal na droga sa may bandang EDSA-Ortigas. Dati na rin umanong nakasuhan ang mga ito ng robbery—holdup at illegal possession of firearms.